Tinig ng mga ruta at destinasyon
PHOTO ESSAY
Sa pampublikong terminal ng mga transportasyon sa SM North Edsa makikita ang tatlong bahagi ng mga pampublikong sakayan: dyip, UV Express, at Bus. Mainit man at maingay, nagsisilibi itong suporta sa lokal na gobyerno sa pagkakaroon ng mabilis na daloy ng trapiko at ligtas na paghihintay ng masasakyan at byahe para sa mga komuter.
Sa buong terminal ng dyip ay mayroon lamang apat na barker upang magtawag at magsilbing gabay ng mga pasahero. Pitong destinasyon ng dyip na may higit 25 ruta ang operasyonal ngayon dito. Ang ilan sa mga destinasyon ay UP Diliman, Quezon City Hall, Lagro, NIA/ NPC, Balintawak, at Monumento. Habang ang mga ruta naman na daraanan ng mga operasyonal na dyip ay Epifanio De Los Santos Avenue, North Avenue Intersection, Roxas Avenue Intersection, at iba pa.
Sa terminal na ito maririnig ang malalakas na sigaw ng isa sa mga barker na si Crisanto Cueto, 32 taong gulang. Siya ay naninirahan sa Bagong Silang, Caloocan kasama ang asawa na apat na buwang buntis at dalawa nitong anak.
Dalawam’put isang taong gulang noong magtrabaho si Crisanto bilang isang dispatcher o mas kilala bilang barker. Ngayon taon ay ika-labing-isang taon na niya sa trabahong ito. Sa loob ng labing-isang taong ito ay naging kalakaran niya na ang piliting marinig sa kabila ng malakas na busina ng mga sasakyan at ingay ng mga abalang komuter upang magsilbing tinig ng mga ruta at destinasyon.
“Boses ang puhunan sa gantong trabaho kaya kailangan malakas ang boses bukod sa lakas ng loob,” giit niya.
Kadalasang itinuturing silang walang kwenta o dagdag lamang sa ingay ng mga sasakyan dahil sinisigaw lang nila ang mga ruta at destinasyon ng dyip na nakasulat naman sa magkabilang gilid at sa harap na bahagi nito.
Maging mga pasahero o drayber man ay ganito ang palagay sa kanila. Para sa kanila ay batid naman ng mga pasahero kung saan sila pupunta, kaya’t gaano man kalakas ang sigaw ng mga barker ay sasakay ang pasahero kung iyon ang nararapat na sakyan at hindi naman kung kabaligtaran. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, marami ang natutulungan at nangangailangan sa kanila.
“Araw-araw kong engkwentro ‘yung mga nagtatanong ng masasakyan, namamasyal na hindi nakatira at di alam dito,” aniya.
PISO KADA PASAHERO
Piso ang katumbas ng isang pasaherong mapapasakay ni Crisanto sa dyip. Kada isang dyip na mapupuno niya ay P15 ang itatarak ng drayber. Mula lunes hanggang biyernes, alas-sais ng gabi hanggang alas-diyes ng gabi, ay walang hinto sa pagtatawag ng pasahero upang mapuno ang isang dyip pagkatapos ng isang dyip hanggang maabot niya ang kota na maaari niyang kitain.
“Kinse kapag napuno ko yung dyip 'pag hindi, edi kung ilan lang yung nakasakay,” kanyang ibinahagi.
Apektado pa rin ang kanilang hanapbuhay kahit pinayagang bumalik sa pamamasada ang mga drayber. Malaki ang ibinagsak ng bilang ng mga pasahero ngayon kumpara noong wala pang pandemya. May sinusunod din na protokol o “social distancing” ang mga drayber at pasahero kaya’t ang noo’y higit sa dalawampung pasahero ay bumaba na lamang sa labinlima.
“Kakaunti na lang talaga yung mga sumasakay ngayon,” banggit ni Crisanto.
“Dati maaga pa mahaba na ‘yung pila pero ngayon halos magdidilim na wala pang dumadating na pasahero. Dumarami lang ‘yung mga pasahero kapag labasan na ng mga empleyado rito, bandang 8 hanggang 9 ng gabi o kung tawagin ay rush hour.”
Unang linggo pa lamang nang ilapat ang lockdown sa bansa ay nahinto na si Crisanto sa trabaho. Gamit ang naipon niyang pera ay tinustusan niya ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa loob ng isang buwan. Ngunit noong maubos ang kanyang ipon ay nagtrabaho siya sa construction. Agosto 2020, matapos ang apat na buwang kontrata ay bumalik sa pagtatawag ng pasahero si Crisanto. Ngunit iilan pa lamang ang dyip na pinayagang mamasada noon kaya’t nagtiis siya sa mas maliit na kita.
“Mabagal mapuno ‘di gaya dati. Mas okay na sakin ‘yon kahit sobrang liit ng kita kaysa bumalik ako sa construction. Mas madali ‘to. Alanganin kalusugan ko dun,” ibinahagi niya.
Kadalasan ay P800 hanggang P1000 ang kinikita niya sa isang araw. Aniya, “Swerte at malaki na ang P1200 kung makota ko yan sa isang araw kaysa wala.” Gayundin, sapat na ito sa pang araw-araw na gastos nilang magpapamilya.
Noo’y P25 ang tinatarak ng mga drayber sa tuwing mapupuno niya ang isang dyip. Ngunit nang mahinto ang pamamasada sa kalsada dahil sa pandemyang coronavirus ay malaki ang kailangan nilang habulin upang bumwelta sa apat ng buwang pagkakalugi kaya’t ibinaba nila ito sa P15.
Malimit o halos walang drayber na nagbibigay ng sobra, minsan ay kulang pa ito kung hindi niya mapuno ang isang dyip. Gayunpaman, naiintindihan niya ang mga drayber dahil batid niyang mas nakakapagod ang kanilang trabaho at hirap rin kumita ng malaki lalo na noong magsimula ang lockdown. “Kung maliit ang kita namin, maliit rin kita nila kasi nakadepende lang kami sa dami ng pasahero.”
Mga pangkaraniwang tao kung ituring, kakalabanin ang matinding init at pagod ng mga binti para sa piso ng kada pasahero. Sila ring nananatiling tahimik o patango-tango sa mga reklamo ng mga pasaherong nagmamadaling pumasok sa trabaho at eskwelahan o makauwi sa tahanan. Sa kanila mang isipan ay may mga katanungan, reklamo at pagod na ipinag-sasawalang bahala na lamang dahil bawat segundo at pasahero sa kanila ay may bilang. Gayunpaman, tuloy ang laban dahil may pamilyang inuuwian at siya lang ang inaasahan.